Working student sa isang fastfood, na trauma, hinalay ng 7 adik sa Caloocan
Working student sa isang fastfood na trauma-hinalay ng 7 adik sa Caloocan
Kalunos-lunos ang naging kapalaran ng isang 19-anyos na nagtatrabaho bilang service crew sa isang fastfood chain upang maigapang ang pag-aaral nang matapos na maholdap ay ginahasa pa ng nasa pitong mga drug addict na kanyang kalugar sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Michonne, ala-una pasado ng madaling-araw nang maganap ang insidente habang naglalakad umano siya sa kanto ng Purok 1 Kawal at Dagat-Dagatan Avenue, Barangay 28 ng nasabing lungsod nang harangin siya ng mga suspek.
Tinukoy ng biktima ang mga suspek na ang magpipinsang sina Bobby Cabuang, Donut Cabuang, Sherwin Cabuang at Damian Cabuang kasama sina Ryan Reyes at dalawa pang mga menor de edad na itinago sa mga pangalang Marlo, 17-anyos, at Abe, 16-anyos na pawang kalugar umano ng dalaga.
Agad umano siyang tinutukan ng patalim ng mga suspek at nagdeklara ng holdap.
Ibinigay umano ng biktima ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang mga personal na gamit at pera ngunit nang maibigay na niya ito at inakalang makakahinga na siya nang maluwag ay bigla na lamang umano siyang kinaladkad ng mga suspek sa gilid ng isang nakaparadang van sa nasabi ring lugar saka halinhinang ginahasa.
Bagama’t nanlalaban ay walang nagawa ang biktima sa lakas ng mga suspek na may mga nakahawak pa sa kanyang magkabilang paa at mga kamay na nagpapalit-palitan sa panghahalay.
Matapos ang krimen ay agad ring nagsitakas ang mga suspek habang sa kabila ng pananakit ng katawan at pagkatuliro sa nangyari ay nagawa pa ring agad na makahingi ng saklolo ng biktima sa kapitan ng nasabing lugar.
Sa tulong ni Barangay Chairman Egay Galgana ay mabilis ding pinagbigay-alam sa pulisya ang nangyari at nanguna sa paghanap sa mga suspek kasama ang kanyang mga tauhan.
Naaresto kaagad ang anim sa mga suspek kabilang ang dalawang menor de edad at kamakalawa ng hapon ay naaresto rin si Reyes na siya umanong tumangay ng ninakaw nilang mga kagamitan ng biktima na hindi na rin narekober.
Idineretso sa himpilan ng pulisya ang mga nahuling suspek ngunit pagdating doon ay nagturuan ang mga ito.
Itinanggi ng dalawang menor de edad na nakihalay sila sa biktima at iginiit na tagahawak lamang umano sila ng mga kamay at paa ng biktima.
Nakatakda na ring sampahan ng kaukulang kaso ang mga nahuling salarin. Posible rin umanong sumailalim sa counseling ang biktima dahil sa inabot na trauma.
Source: AbanteTonite