Duterte Magpapapasok ng Bagong Provider pangtapat sa PLDT, SMART at GLOBE
Duterte Magpapapasok ng Bagong Provider pangtapat sa PLDT, SMART at GLOBE
Magpapapasok na si Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong telecommunications provider para gumanda-ganda ang signal at serbisyo at bumilis ang internet connection sa bansa.
Sinabi kahapon ni incoming Presidential Spokesman Harry Roque, batid ni Pangulong Duterte na palpak ang serbisyo ng telecommunications company na kasalukuyang namamayagpag sa bansa kaya kailangang may ibang magbibigay ng mas internet connection sa mga Filipino.
Mismong si Roque ay nagkuwento na nakaranas siya ng kapalpakan sa kanyang service provider dahil hirap aniyang makapasok ang signal at kung masagot man ay hindi magkaintindihan o magkarinigan sa telepono.
“Alam n’yo ho gusto ko sanang tanggapin lahat ng calls ng media kaya lang palpak po ang ating mga telecoms company.
‘Pag nasa bahay po ako talagang suwerte-swertehan kung makapasok ang tawag,” ayon kay Roque.
“Mabuti na lang ang ating Presidente magpapapasok na ng pangatlong telecoms provider na hindi na tayo ganito ang buhay sa telepono,” ang pahayag ni Roque.
Gayunman, hindi tinukoy ng Kalihim kung anong kompanya ang papasok sa bansa para maging pangatlong telecoms provider para sa mga Filipino.
Matatandaang noong nakalipas na linggo ay bisita ni Pangulong Duterte sa Malacañang ang Chinese business magnate na si Jack Ma na ang negosyo ay sa telecommunications at nagsabing mabagal ang internet sa Pilipinas.
Sa ngayon ay monopolyo ng PLDT, Smart at Globe ang internet connection subalit inirereklamo ng kanilang mga subscribers ang mabagal na serbisyo ng mga ito.
Ang Smart ay subsidiary ng PLDT. Ang Globe ay pangunahing shareholders naman ang Ayala Corporation at Singapore Telecom.